Thursday, May 8, 2008

Biyernes Na Naman!

Siyempre, Biyernes na naman... EXCITED na naman ako!!!!

Bukas, ika-apat na Biyernes ko nang naglalaro ng badminton. Super tuwang-tuwa ako simula nang maglaro ako. Halos tuwing Biyernes, me mga nakikilala akong bagong kalaro. Kaunti pa lang kami at naghahanap pa ng mga makakasama. Siguro, sa isang linggo makakasama na ang kapatid ng matalik kong kaibigang si Chacha na kararating lang dito sa Dubai noong isang linggo.

Naiba talaga ang Biyernes ko simula nong nag-badminton ako.

Anyway...

Sabi ni Ara, yong ulan daw nong isang araw ay artificial. Di ako maniwala. Pero naisip ko na baka nga kasi nagtataka ako noon bakit ang lalamig ng patak. Parang abnormal kasi ang init na kaya ng hangin tas malamig yong tubig. Parang di pangkaraniwan. Humahanap ako ng akda sa mga pahayagan dito na makakapagsabi na totoo nga yong sinasabi ni Ara. Sabi pa nga ng isa sa mga bus mates ko, umulan pa raw ng yelo doon sa ka-desyertuhan ng napakalayong Jebel Ali... tipong 50 years ka bago makarating doon pag galing ka dito sa pusod ng Dubai.

Marami akong gustong isulat. Pero parang di ko maisip. Siguro pagod lang ako ngayong linggong ito. Ang daming trabaho dito sa opisina, at ang dami na ring bagong ahente. Maraming makakausap, maraming nagtatanong, maraming pinakikigawa. Syempre kasi bago pa lang sila. Pero minsan, nakapagtataka na marami rin silang di alam. hehehehe...

Nga pala, siguro mga dalawang buwan na ang nakakalipas, isa sa mga kaibigan ko dito umuwi na ng Pilipinas at hindi na babalik. Isa siya sa mga sumuporta sa akin. Walang linggo na hindi niya ako tinatawagan kahit sandali lang para itanong kung kamusta na ako at kung okay ang trabaho ko. Natatandaan ko pa nong umuwi siya, sabi ko, "O paano, Reynore, ingat ka na lang at salamat sa suporta. Mawawalan tuloy ako ng isa sa mga pader na sandalan." At lumakad na siya palayo. Napakalaking bagay nong me nangangamusta sa 'yo, na alam mong me kaibigan kang nagmamalasakit. Alam kong bihira sa mga tao ang nakakapagpakita ng ganito. Kaya kung merong kayong kaibigan na ganito, alam ninyo na kung gaano sila kahalaga. Hindi rin natin mababayaran ang mga ito. Pero isa siguro na pinakamagandang gagawin natin ay iparamdam na lang sa mga taong darating sa buhay natin na mangangailangan ng suporta... kahit simpleng tawag lang paminsan-minsan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Popular Posts