Showing posts with label Tagalog. Show all posts
Showing posts with label Tagalog. Show all posts

Wednesday, February 11, 2009

Cien Años De Soledad

One Hundred Years of Solitude.

Matagal ko nang gustong basahin ang aklat na ito. Pero hindi ko pa rin maipaliwanag (kahit sa sarili ko) kung bakit noong nagsimula uli akong bumili ng mga aklat, parang wala siya sa listahan ko. Para sa mga kasing-tanda ko, una kong nadinig itong aklat na ito sa pelikulang, "Saan Darating ang Umaga." Iniregalo yata ni Raymond Lauchengco kay Maricel Soriano ito. Kaya noong makita ko siya sa bookshop, talagang di ko na pinalampas nong makuha ko ang suweldo ko.

Kasisimula ko pa lang pero gandang-ganda na ako. Sabi ni Bob Ong sa isa sa mga aklat niya, dapat daw ang isang tao ay makapagbasa at makatapos kahit isang aklat man lamang sa buong buhay niya. Para sa akin, siguro ito na ang dapat, kung hindi ka pa nakakatapos ng aklat. At doon naman sa mga katulad ko na medyo nahiligan din ang pagbabasa, iminumungkahi kong bumili kayo nito at basahin kung kelan ninyo trip. Sa totoo lang, palagay ko di ninyo rin pagsisisihan.

Yon nga lang, medyo samahan ninyo ng kaunting tiyaga, kasi merong mga bagay na nakakalito. Uhhhmmm, ito naman e kung kapareho kitang medyo mabagal maka-gets. Para lang siguradong me baon ka at di mauubusan.

===============

Napadaan ako kanina sa isang tindahang me tindang mga pahayagan. Nakita ko na medyo interesting ang headline. So, sabi ko, pagdating ko sa office, makapag-log-in na lang kasi sabi doon sa pahayagan, meron daw silang magagandang larawan sa kanilang webpage. Bago ko sulatin ito, pumunta ako. Nakita ko, binasa ng kaunti. Gusto ko pa sanang lumipat ng pahina pero di ko feel. Ewan ko ba, mas gusto ko pa rin talaga yong hawak ko ang pahayagan at nagkakaroon ng maitim-itim na mantsa ang mga daliri ko sa pagbabasa. Naalala ko tuloy si Reysie, kasi kung magbasa yun, nakatalungko at nakalahad ang pahayagan sa sahig. Ginaya ko minsan, enjoy pala...

Saturday, February 7, 2009

Ilarawan Mo

Masyado akong maraming gustong gawin.

Excited ako sa Biyernes, pero ayokong mag-Huwebes kasi kelangan kong maglaba. Hayyy... pero sa totoo lang, masayang-masaya ang pakiramdam ko pagkatapos maglaba. Eto rin ang time na inilaan ko sa pagkanta ng "Lupang Hinirang" gaya ng sinabi ko sa mga nauna ko pang pagsuslat. Proud naman akong sabihin na sa ngayon, nadederetso ko na ang awit ng walang mali.

Pinilit kong gawan ng Review yong katatapos ko lang na libro: Ang Paboritong Libro ni Hudas. Pero ewan ko kung saan ko nailagay ang USB ko at di ko nadala ngyon. So, bukas na lang ulit.

Meron sana akong kuwento. Pero dahil nga mas gusto kong magbasa kesa magsulat nong Huwebes ng gabi, sabi ko bukas na lang, tutal naman, maghapon akong makikipag titigan sa kung anuman lalo na at Biyernes at hindi ako cleaner sa kuwarto... yehey... sa Feb 20 na lang ulit... ngek.

Pero, syempre nagkaroon na naman ng dahilan. Etong kaibigan ko, tinotoo pala ng sinabi niya nong isang araw na gusto niyang magpunta sa Dragon Mart. Akala ko kasi, wala lang siyang magawa at plano lang yon. So, pumunta kami. Sa totoo lang, first time kong lumabas ng Biyernes ng pupunta sa mall. Dati, naglalaro ako ng badminton pero natigil ito simula ng umuwi ng Pinas yong mabait kong carpool.

Anyway, sa loob ng Dragon Mart.

Ganoon pala doon. Pag pumasok ka, parang wala ka sa Dubai. Feeling ko tuloy ako si Mario na napunta sa Warp Zone. Lahat halos ng tindahan, Intsik ang mga bantay. Ang daming Asians. Well, ayokong sabihing Pinoy dahil baka hindi naman. Syempre, ang pinakapatok at pinakamaraming tao, ang tindahan ng selepono. Parang laging Sharon-Gabby sa bawat shop na pupuntahan namin.

Pero hindi maalis sa isipan ko yong booth ng "Information." Kasi, nakagayak ng Intsik. Me mga dragon na parang canopy, mga lamaparang Intsik, at kung anu-ano pang mga bagay na nagpapapaalala ng lahi nila. Sigurado ako, naii-imagine mo na ang gusto kong sabihin kahit hindi ko ito masyadong mailarawan. Okay, ngayong nakikita mo na ang booth ng "Information," syempre kelangan me tao sa loob para magbigay ng information. Ilalarawan ko ngayon ang tao sa loob. Nakabihis ng puti... yong tinatawag nilang Kandura: national dress ng mga Arabo. Sayang nga at sa pagkakataong ito, di ko dala ang camera ko. Sarap sanang kunan. At sa pagkakataong ito, pang-ilang ulit ko na namang sinisisi ang sarili ko sa hindi ko pagdadala sa matalik kong kaibigan. Sabi ko sa sarili ko... Huli na talaga 'to.
Sabi ko sa kabigan ko, "Tingnan mo, o, parang hindi bagay. Kasi ang setting, Intsik, tapos ang tao sa loob, Arabo."

Tsk. Tsk.

Globalisasyon. Totoo na 'to. Pramis.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Popular Posts